Meta #2

Ano bang uunahin ko--yung pagsusulat ko o yung kakainin ng anak ko? Kasuklam-suklam akong ina sapagkat kinailangan ko pang itanong ito--na para bang nagtalo pa ang isip ko sa kung ano ang mas mahalaga o sa kung ano lang talaga ang mahalaga.


Pwerta

Kahit may pampamanhid, damang-dama ko ang paglabas-masok ng karayom sa balat ng aking pwerta. Naisip ko, habang binibihisan nila ang bagong-silang kong sanggol, magaling bang manahi ng pwerta ang doktor na nagpaanak sa akin? Naisip ko rin, heto na ‘to–may isang bagay sa aking buhay at katawan ang tuluyan nang nagbago at hindi kailanman maibabalik sa dati nitong anyo. Walang bulaklak na paurong ang pagbukadkad.

Sa bahay (ng nanay ko), kinakapa ko lagi ang aking sarili–kinakapa ko kung anong nagbago. Pilit kong inaalala kung ano bang hitsura ng pwerta ko dati, noong hindi bago ako manganak, noong ako’y dalaga pa–nang sa gayon ay maikumpara ko ito sa kung anumang hitsura nito ngayon.

Takot na takot ako kapag tumatae–natatakot ako na baka bumuka ang tahi ko at magtuluy-tuloy ang sugat mula sa pwerta papunta sa pwet.

Kinalaunan, nawala rin ang takot kasabay ng pagkalusaw ng tahi sa aking pwerta. Pero napalitan ito ng iba pang takot–takot na takot akong makipagtalik. Ayokong makipagtalik. Anumang hitsura ng pwerta ko ngayon, ayokong magalaw. Ayokong may magbago na naman sa aking katawan.

Meta #1

Gusto kong balikan ang pagsusulat–bagay na matagal kong napabayaan dahil una, nagtrabaho ako at kailangan kong kumita ng pera para mairaos ang pang-araw-araw na buhay. Ikalawa, nagbuntis ako, at nanganak, at nag-alaga ng sanggol, at nagtrabaho uli. Sa madaling-salita, nawalan ako ng oras para sa pagsusulat, para sa creative production kasi may mga bagay sa buhay ng karaniwang Pilipinong katulad ko na kailangang unahin–tulad ng kung ano ang kakainin namin mamaya? May maipambibili pa ba ako ng bigas? May maipasusuot pa ba ang diaper sa anak kong isang taong gulang pa lamang?

Bagamat ganoon pa rin naman ang sitwasyon ko– ibig sabihin, ako pa rin ang nag-aalaga sa anak ko at araw-araw pa rin akong kumakayod para kumita lang nang kapos–kahitpaano, maisisingit ko na ang pagsusulat.

Gusto kong magsulat uli at layunin kong mahasa ang anumang galing at talinong natitira pa sa akin. Kung kinakailangang bumalik sa simula o magsimula sa wala, ayos lang. Ang mahalaga’y makapagsulat uli. Di na rin baleng walang nagbabasa ng mga sinusulat ko. Sa ngayon, magsasanay na muna ako.

Kalyo sa Matris

Noong ako'y batang
estudyante sa pinasukang elementarya
kalyo'y laging ipinagmamalaki, sabi ko--
"Ito'y marka ng aking kasipagan!"

Tayong magkakaklase'y
nagpapaligsahan--pakapalan ng kalyo sa daliri.
Pagkat paniniwala natin,
"Ito ay marka ng ating kasipagan!"

Ngayong ako'y tatlumpu
at magkakaanak na, natuklasan kong may kalyo
palang tumubo sa aking matris. Hindi ko masabing
"Ito'y marka ng aking kasipagan."



Sa aking tumor, tanong lang--

Dumating kang palihim--walang
pahiwatig o anumang pangitain--at pagkatapos
ika'y nagpakupkop nang walang pahintulot.

Di ka man humihingang tulad ng iyong kakambal
patuloy kang lumalaki, nanggagambala,
nang-aagaw ng sustansya--at pasensya.

Sakaling tubuan ka ng dila't matutong
magsalita, sabihin mo nga--karma
ba kitang dapat ituring?



Dahil Iniibig Kita

Gaano mo ako kamahal?
Tanong mo. Tinitigan kita
At saka ko sinabing
Kaya kitang sirain
Pero hindi ko gagawin
Dahil
Iniibig
Kita.
Stuxnet virus akong aatake nang tahimik,
Walang malisya at walang paalam
Para guluhin at tuluyang gunawin
Ang nakasanayan mong sistema.
Paulit-ulit ko itong gagawin
Hanggang ikaw mismo ang sumuko
Hanggang ikaw mismo ang tuluyang masira
Hanggang ikaw mismo ang umayaw sa bagong pag-ibig na darating.
Kaya kitang sirain pero hindi ko gagawin
                                                             --Dahil iniibig kita.



Panandaliang Kilig

Hindi ako pwedeng
mag-inarte. Walang karapatang
mamili ang mga tulad kong walang
maipagmamalaki sa buhay. Kaya pikit-
mata na lamang akong kakapit
sa nakatetetanong talim
ng panandaliang kilig
na aking gabi-gabing inilalako
riyan sa nag-aapoy na kanto ng Mother Ignacia--
munting impyerno sa lugar ng mga buhay.